Dismayado rin si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chair, Sen. Ronald Dela Rosa sa inasal ng ilang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ laban sa ilang mga pulis na bahagi ng idineploy na team sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa naging pagdinig ng komite ni Dela Rosa sa operasyon ng Philippine National Police Police sa KOJC, naungkat ang naging pananakit ng ilang mga miyembro ng KOJC sa ilang mga pulis, kasama na ang mga bagitong miyembro nito.
Isa sa mga inilabas na video ay ang isang patrolman na magtatapon lamang sana ng basura sa labas ng compound.
Pero sa halip na padaanin ng mga miyembro ng KOJC na nasa labas ng gate, kinuyog pa ito ng mga miyembro ng sekta kung saan ang ilan ay kinuwelyuhan pa ang bagitong pulis habang ang ibang mga miyembro ay hinatak rin ang kanyang balikat at kung anu-ano pa.
Katwiran ni Dela Rosa, naiintindihan niya ang kagustuhan ng mga miyembro ng sekta na makita ang nilalaman ng itatapon na basura ngunit hindi na aniya kailangan sanang umabot pa sa pananakit.
Si Sen. Bato ay dating nagsilbi bilang pinuno ng Philippine National Police mula July 2016 hanggang June 2018.
Bago niya okupahin ang pinakamataas na posisyon sa pambansang pulisya, nagsilbi muna siyang Executive Officer ng PNP – Directorate for Human Resource and Doctrine Development sa loob ng mahigit isang taon.