ILOILO CITY – Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kailangang magpatayo muli ng satellite office ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng compound ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City.
Ito ay kasunod nang pagbubunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino sa Senate hearing hinggil sa nangyayaring illegal drug trade sa Bucor.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Senator Drilon, sinabi nito na ang pagpapatayo ng satellite office ang isa sa mga paraan upang mamonitor at matigil ang kalakaran ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Ayon kay Drilon, kailangang mabigyan ng pondo ang PDEA upang maitayo ang sarili nitong opisina sa loob ng BuCor sa Muntinlupa.
Iginiit din ng Ilonggo senator na hindi lalago ang prison drug trade kung walang mga tiwaling opisyal sa loob ng Bureau of Corrections na nakikinabang sa iligal na kalakaran.