ILOILO CITY – Hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Securities and Exchange Commission (SEC) na sampahan ng kasong syndicated estafa ang nasa likod ng investment scam sa Western Visayas na nanghihingi ng milyong pisong investment.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sen. Drilon, sinabi nito na ang ginagawang panloloko ng mga scammers ay hango sa tinatawag na Ponzi Scheme na nagsimula sa Amerika noong 1920 kung saan pinapangakuan ang mga investors na dodoble ang kanilang pera.
Ayon kay Drilon, nakasaad sa Revised Penal Code na ang parusa sa kasong syndicated estafa ay habambuhay na pagkakakulong kung saan maaring maaresto ang scammer na walang warrant of arrest.
Nilinaw naman ng senador na kahit na rehistrado sa Department of Trade and Industry ang investment scam, hindi ito sapat dahil ang SEC anya ang may hurisdiksyon dito.