Iminungkahi ni reelectionist Senator JV Ejercito ang pagsasagawa ng isang tripartite meeting hinggil sa kontrobersyal na “doble plaka” law.
Ginawa ng senador ang suhestyon matapos itulak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban sa implimentasyon ng Republic Act No. 11235 o “Motorcycle Crime Prevention Act.”
Ayon kay Ejercito, isang avid rider, ang tripartite meeting ay dapat binubuo ng gobyerno na kakatawanin ng Land Transportation Office (LTO), motorcycle community at mga lider ng anti-crime civil society groups.
“Anti-crime groups should also be heard because the anti-criminality goal of the law is their advocacy. A meeting between them should produce a common ground and agreement that shoul be proposed as part of the references in the formulation of the implementing rules and regulations,” sabi ni Ejercito.
Dagdag pa nito: “Dapat magka-usap ang mga rider, gobyerno at mga people’s movement against criminality dahil lahat naman ng ‘to ay laban sa krimen at para magtulungan kung papaano mapapaganda at magiging tagumpay ang batas na ito.”
Nauna rito, Pinuri ni Ejercito si Pangulong Duterte dahil sa kagustuhan nito na masuspinde ang pagpapatupad ng nasabing batas.
Ayon dito, nabuo ang desisyon ng pangulo matapos ang kanilang pag-uusap, kasama ang motorcycle legend na si Butch Chase, kung saan ipinaliwanag nila ang reklamo ng mga rider bago magtalumpati ang punong ehekutibo sa 25th National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP), National Motorcycle Convention na isinagawa sa Iloilo City noong Sabado.
“I am thankful to the President for listening and understanding the predicament of the riders. Alam naman niya na suportado siya ng mga rider sa kaniyang kampanya laban sa krimen at gusto ng mga rider na magtatagumpay ang Pangulo,” sabi ni Ejercito.
Tinututulan ng mga rider ang naturang batas, lalo na ang panukalang malaking metal plate sa harap ng motorsiklo na ayon sa kanila’y mapanganib sa kanilang paglalakbay.
Inireklamo din ng mga ito ang napakataas na violation fee na umaabot sa P50,000 hanggang P100,000.
Nauna nang nakipagpulong si Ejercito sa mga lider noong Marso kasama si LTO Assistant Secretary Edgar Galvante na nagpaliwanag na hindi kategorikal na nakasaad sa batas na requirement ang metal na plaka sa harap ng motorsiklo.