Lumapit na sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Senator Sherwin Gatchalian para imbestigahan ang pag-hack sa kaniyang credit card.
Kahapon nang iulat ng senador na may gumamit ng kaniyang credit card para umorder sa isang food delivery app na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Sa isang press conference, nagpasalamat si Gatchalian sa grupo ng NBI dahil sa kanilang tulong at umaasa raw ito na mahuhuli ang sinumang nasa likod ng pag-hack para hindi na ito maulit.
Nabatid na hindi pala pagkain ang inorder ng hacker ngunit mga alak.
Marami aniyang tumatawag sa kaniyang opisina na nagsusumbong dahil sila rin ay biktima ng nasabing modus.
Dahil dito ay ninais ng senador na magkaroon ng pormal na imbestigasyon hindi lamang para sa kaniya kundi pati na rin sa iba pang biktima ng ganitong uri ng scam.
Sa parehong press briefing ay tiniyak naman ni NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo na huhulihin nila ang mga suspek at mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, Electronic Commerce Act at Cybercrime Prevention Act.
Nanawagan din ang senador sa mga bangko na higpitan ang kanilang security protocols sa kabila ng dumadaming online transactions sa gitna ng coronavirus disease pandemic.