-- Advertisements --

Inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian na maaaring may iba pang dayuhan na nagpapanggap na Pilipino matapos mabunyag sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisang tao lamang si suspended Bamban Mayor Alice Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping makaraang tumugma ang fingerprints.

Saad pa ng Senador na maaaring marami pang Alice Guo na hindi lang high profile.

Aniya, sinisiyasat si Guo dahil sa kaniyang political office at ang kaugnayan nito sa ni-raid na POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban, Tarlac.

Ayon sa Senador, tinitignan na rin nila ang mga ulat hinggil sa mga Chinese o dayuhan na bumibili ng lupa para magsimula ng kanilang sariling mga negosyo at posibleng ginagamit ito nang hindi tama para sa late registration ng kapanganakan na pareho sa ginawa umano ni Guo.

Kayat dapat aniya itong mabusisi para makita ang mga modus operandi na ginagawa ng mga nasa likod ng naturang gawain.