-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sen. Bong Go na walang ginagawang red-tagging na ginagawa ng gobyerno sa mga Makabayan bloc organizations at iginiit na kabisado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang impormasyon kaugnay sa mga makakaliwang grupo mula na rin sa kanyang karanasan bilang matagal na mayor sa Davao City.

Sinabi ni Sen. Go, magkasama sila ni Pangulong Duterte ng 22 taon at talagang alam nila kung sino ang may linya sa Leftist organizations.

Ayon kay Sen. Go, kaya kung ano ang inihayag ni Pangulong Duterte, ito ay totoo at saksi siya sa mga nasabing bagay.

Sa kanyang public address noong Lunes, tahasang tinawag ni Pangulong Duterte na mga miyembro ng CPP-NPA ang mga nasa Makabayan bloc at naniniwala umano ito sa posisyon ng militar na ang mga nasabing grupo ay “front” lamang ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Maraming alam si Pangulong Duterte, dati siyang mayor ng Davao City. Kami po, magkasama kami for the past 22 years. Talagang alam namin kung sino ang talagang may linya — sa Left,” ani Sen. Go. “Kung ano po ang sinabi ni Pangulong Duterte, totoo po ‘yun. Witness po s’ya sa mga bagay na ‘yan. ‘Wag na po tayong magmaang-maangan pa.”