CENTRAL MINDANAO – Nakatakdang bibisitahin ni Senador Bong Go ang probinsya ng Cotabato ngayong araw.
Tutungo ang senador sa Tulunan, North Cotabato na sentrong sinalanta ng 6.3 magnitude na lindol.
Mamamahagi ng tulong ang opisyal sa mga residente na nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa tumamang malakas na lindol.
Magbibigay din ng tulong ang senador sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa lindol.
Una nang isinailalim sa state of valamity ang bayan ng Makilala at M’lang kung saan posibleng susundan na rin ito ng Tulunan at ibang bayan sa probinsya ng Cotabato na grabeng naapektuhan ng lindol.
Patuloy namang nakakaranas ng malalakas na aftershock ang North Cotabato at mga karatig probinsya na nagdulot ng takot sa mga residente.
Nagpaalala si Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum sa mga mamamayan na maging handa anumang oras lalo na sa Mindanao.
Hindi rin aniya dapat ipagsawalang-bahala ang mga mahihinang lindol dahil posibleng senyales ito ng paparating na mas malakas pang pagyanig.
Hinimok naman ni Solidum ang publiko na gamitin ang Hazard Hunter mobile app ng DOST na isang fault finder application na kayang tukuyin ang mga lugar na may mataas na panganib sa oras na may tumamang lindol.