Hindi umano nawawalan ng pag-asa si Senator Christopher “Bong” Go na maipapasa sa lalong madaling panahon ang kanyang inihaing panukalang batas na pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.
Ayon kay Go, malaking hakbang ang kanyang panukala na bumuo ng nasabing departamento na hahawak sa disaster preparedness upang ang bansa ay maging ganap na handa sa mga kalamidad nang sa gayo’y maiwasan ang pagkalagas ng maraming buhay.
Sinabi ng mambabatas, ang kanyang panukala ay magbibigay rin ng malinaw na chain of command, mas maayos na mekanismo at pamamalakad sa paghawak ng mga krisis sa bansa lalo’t nagiging normal na sa bansa ang mga pagdating mga kalamidad at sakuna.
Iginiit niya na ang mga policy makers ay dapat na maging bukas sa mga pagsasaayos ng mga mekanismo upang masiguro na ang pamahalaan ay mas maging handa sa pagharap sa mga dumarating na krisis.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Go na ang esensyal na gawain ng lahat ng disaster-related agencies ay magagamit at lalong mapalalakas sa DDR.
Sa ngayon, may anim na kaparehong panukala na nakabinbin sa Senado na sumusuporta sa DDR.
Ang House of Representatives ay nagpasa na ng kanilang sariling bersyon noong Setyembre.