Buo umano ang suporta ni Senator Bong Go sa resolusyong inihain ni Senator Juan Miguel Zubiri na humihikayat sa Department of Social Welfare and Developmenht (DSWD) na bilisan ang pamamahagi ng pondo bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyo at naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Ito’y bunsod na rin ng sunod-sunod na bagyong tumama sa ating bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ibinahagi rin ng senador ang kaniyang pagbisita sa mga biktima ng nagdaang bagyo at personal niyang nasaksihan ang paghihirap ng bawat isa na muling makabangon.
Ilan sa mga probinsya na kaniyang binisita upang mamigay ng tulong ay ang Catanduanes, Marikina, Bulacan at Rizal. Sa katunayan aniya ay patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pamamahagi ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Pinuri rin nito ang DSWD sa walang humpay serbisyo para sa taumbayan sa kabila ng mga bagyo at health crisis. Subalit nananawagan ito sa nasabing ahensya na bantayan at pabilisin ang pamimigay ng pondop at serbisyo sa mga higit na nangangailangan.
Ayon pa sa senador, kaagad ipinasa ng Senado ang Bayanihan to Recover As One Act para makarating kaagad ang tulong na kinakailangan ng publiko gayundin ang muling pagbangon ng sumadsad na ekonomiya ng bansa.