-- Advertisements --

Hinimok ni Sen. Bong GO ang gobyerno na gawing prayoridad ang pagpapatupad ng investment plan bilang kaakibat ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program (BP2) para matiyak ang pantay-pantay na distribusyon na yaman ng bansa at mapabilis ang socio-economic development sa mga kanayunan.

Sinabi ni Sen. Go, sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga komunidad na makabangon mula sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic at magbigay ng mas maraming economic opportunities sa mga nagnanais magsimula ng bagong buhay sa kanilang mga lalawigan.

Ayon kay Sen. Go, kapag naengganyo ang mga investors na maglagak ng puhunan sa mga kanayunan, magbibigay ito ng karagdagang trabaho at pangkabuhayan sa mga mamamayan, alinsunod sa long-term goals ng BP2 program.

Inihayag pa ng senador na ang binuong investment plan tungo sa regional development ay makakatulong para sa modernisasyon ng ekonomiya, makalikha ng mas mataas na antas ng disenteng trabaho sa buong bansa at maresolba ang mga problema sa trabaho, pabahay, transportasyon at iba pang usaping panlipunan.

“Layunin po ng programang ito na mabigyan ng bagong pag-asa ang mga Pilipino na may hinaharap silang maayos na kinabukasan pagkatapos ng krisis at tutulungan sila kung sakaling gusto nilang bumalik sa kanilang mga probinsya,” ani Sen. Go.