-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Sen. Bong Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglalagada ng batas para sa medical scholarship program na tutugon sa pangangailangan ng mas maraming doktor sa bansa.

Batay sa Republic Act 11509 o ang “Doktor Para sa Bayan Act,” itinatakda nito ang Medical Scholarship and Return Service Program para sa mga deserving at kuwalipikadong Filipino students na sa pagpapatuloy ng medical studies sa State Universities and Colleges (SUCs) o in Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga rehiyon kung saan walang SUICs na nag-aalok ng medical course.

Sinabi ni Sen. Go, marami sa kabataan ang nangangarap na maging doktor at sa pamamagitan ng batas na ito, mabibigyan sila ng oportunidad na mag-aral ng medisina at mas makapaglingkod sa bayan.

Ayon kay Sen. Go na chairman ng Senate Committee on Health at co-author ng batas, mapapabuti ng “Doktor Para sa Bayan Act” ang healthcare system sa bansa dahil magkakaroon ng access ang mga karapat-dapat na estudiyante sa libreng medical education at makakapagsilbi sila sa kanilang mga komunidad.

Inihayag ng mambabatas na nagpapasalamat siya kay Pangulong Duterte sa pagpirma niya ng napakahalagang batas na ito na layuning solusyonan ang kakulangan ng doktor sa iba’t ibang parte ng bansa habang nabibigyan din ng oportunidad sa mga qualified pero mahihirap na estudyante na mag-aral ng medisina.

“Sa pamamagitan ng batas na ito, masisiguro po natin na mayroon tayong sapat na mga doktor sa kanayunan, habang ini-aangat din natin ang antas ng pamumuhay ng mga scholars na makikinabang sa batas na ito at ang kanilang mga pamilya,” ani Sen. Go.