-- Advertisements --

Tiniyak ni Sen. Bong Go na magpapatuloy ang paglilinis mula sa korupsyon hindi lamang sa Bureau of Corrections (BuCor) kundi sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sen. Go na mayroon pa siyang ihaharap na testigo sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado kaugnay sa katiwalian sa BuCor hindi lamang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) kundi maging sa “hospital pass for sale” sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay Sen. Go, kabilang dito ang isang dating colonel na na-admit sa NBP Hospital dahil sa kidney operation na nakasaksi sa iligal na transaksyon sa loob ng pagamutan.

Inihayag ng senador na aalamin ang rekord ng pagamutan kaugnay sa mga convicted drug lords na labas-pasok sa pambansang piitan at kung ilang araw silang nanatili doon kahit wala namang sakit.

Sa kanya raw pagbisita sa NBP, may mga matatanda at maysakit na bilanggo pero napagkaitang makapasok sa pagamutan.

Kaya magpapatuloy daw ang gagawing imbestigasyon at pagpapanagot sa mga responsable sa katiwalian sa NBP.

Kasabay nito, nagbabala si Sen. Go sa mga drug lords na nagbabalak pang pa-confine sa NBP Hospital na baka lason na ang ilalagay sa kanilang dextrose.

“Doon naman sa mga drug lords, huwag na po kayong magplano pa na magpa-admit nang mas matagal diyan sa [NBP] Hospital dahil we will require you na i-dextrose kayo. Siguraduhin niyo lang [kasi] baka ‘yang dextrose niyo ‘yun pa ‘yung mayroong poison,” ani Go.