Inihain na ni Sen. Bong Go, chair ng Senate Committee on Health ang Senate Bill No. 2000 na naglalayong bigyang otoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang scheduled increase sa premium contribution rates ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni Sen. Go, kailangang mag-pokus muna kung paano matulungan ang mga kababayang nangangailangan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sen. Go, lalo sa ngayong nasa health emergency ang bansa, nawawalan ng kakayahan ang mga Pilipinong magbigay ng dagdag na kontribusyon dahil sa krisis.
Kaugnay nito, hinikayat ng senador ang national government na balikatin o tustusan muna ang kinakailangang pondo para maipatupad ang Health Care Law habang karamihan sa mga Pilipino ay bumabangon pa sa matinding epekto nog COVID-19 pandemic sa kanilang kabuhayan at buong ekonomiya ng bansa.
“Huwag na natin munang dagdagan ang pasakit ng taumbayan. Kung kaya naman, ang gobyerno muna ang sumalo sa kailangang pondo ng PhilHealth para maimplementa ng maayos ang Universal Health Care Law,” ani Sen. Go.