Nananawagan si Sen. Bong Go sa mga Pilipino na pagtiwalaan ang national government sa ginagawa nitong procurement at pag-rollout ng sapat, ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19.
Kasabay nito, inulit ni Sen. Go ang nauna nitong hiling kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr. na pag-ibayuhin pa ang pagpapaliwanag sa taongbayan kaugnay sa national vaccine roadmap para mabura ang agam-agam ng publiko at maiangat ang kanilang kumpiyansa sa bakuna.
Ayon kay Sen. Go, buo ang kanyang tiwala at kumpiyansa kay Sec. Galvez at tiyak nitong isaalang-alang ng vaccine czar ang interes ng mga Pilipino sa ginagawang negosasyon para sa bakuna.
Kaya dapat daw pagtiwalaan ang gobyerno at bago pa man kumalat sa social media ang mga kuro-kuro at haka-haka, masusi na ang pagtatrabaho ng mga opisyal ng pamahalaan para makuha ang pinakamagandang bakuna para sa bansa at sa bawat Pilipino.
“Magtiwala po tayo sa ating gobyerno. I am personally aware na bago pa man nagsimula sa social media ang mga kuro-kuro at haka-haka, masusi na po ang pagtrabaho ng mga opisyal ng ating pamahalaan to get the best for our country and for every Filipino,” ani Sen. Go.
“Para kay Pangulong Duterte, ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino ay nasa sentro ng programa natin. Ito ang responsibilidad na ginagampanan natin palagi. Our officials will be measured by their adherence to the President’s guidance.”