Hinikayat ng Duterte administration ang publiko na patuloy na suportahan ang “whole-of-the-nation” efforts ng gobyerno laban sa COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols at huwag magpabaya laban sa virus.
Ginawa ni Sen. Bong Go ang paalala kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong nagdaang mga araw.
Sinabi ni Sen. Go, mas mabuting tulungan na lamang ang gobyerno imbes na manisi dahil wala naman itong maitutulong at maidudulot na mabuti.
Ayon sa senador na chairman ng Senate Committee on Health, ginagawa ng gobyerno ang lahat para maibsan ang matinding epekto ng pandemya sa pamamagitan ng pagbalanse sa economic recovery at health concerns.
Ipinaalala din ng mambabatas na magtiwala sa mga doktor at mga eksperto kaya sundin ang kanilang mga payo para maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 infection.
“Tulungan n’yo na lang po ang ating gobyerno. Ginagawa po ng gobyerno ang lahat. ‘Di po makakatulong ang paninisi, wala pong maidudulot na kabutihan ‘yan,” ani Sen. Go.