LEGAZPI CITY – Muling bumisita nang personal sa Bicol si Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Chief Executive Officer Sen. Richard Gordon upang masubaybayan ang pagbangon ng mga kababayan na pinakaapektado sa mga nagdaang bagyo.
Matapos na mamigay ng relief packs, hygiene kits at non-food items, namahagi naman ngayong araw ng cash assistance ang team.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gordon, sinabi nito na binigyan nila ng pera ang mga residente at bahala na umano sa paggastos upang makapagsimula muli.
Bago ang pamamahagi ng karagdagang ayuda, tinuruan ang mga residente kung saan gagamitin ang pinansyal na tulong na pwede rin aniyang ipundar ng negosyo.
Kabuuang P1.274-million ang multi-purpose cash grants para sa 364 na pamilya sa Catanduanes subalit nangako si Gordon na hangga’t may tumutulong na mga kaibigang bansa sa programa, magtutuloy-tuloy ang assistance.
Unang binisita ni Gordon kasama ang PRC team, ang Camarines Sur at Catanduanes habang tuloy-tuloy rin ang pag-aabot ng ayuda sa Albay.