-- Advertisements --
cropped richard gordon 1

Sinupalpal ni Senator Richard Gordon ang kontrobersyal na si Lt. General Antonio Parlade Jr. sapagkat sinasayang lang daw nito ang pondo ng gobyerno para lang idawit sa red-tagging ang mga volunteers ng community pantry.

Tahasang sinabi ng senador na napupunta lang umano ang milyun-milyong intelligence funds mula sa budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa red-tagging ng mga organizers ng community pantries sa bansa imbes na tumulong sa mga tao.

Tanong ni Gordon, kung may agenda ang organizers ng community pantries hindi naman daw tutuma ang gobyerno dahil nagbibigay lang sila. Ang katotohanan aniya ay napapahiya ang gobyerno dahil kulang ang kanilang ginagawa.

Ayon dito ang ginagawa ni Parlade ay paglabas sa freedom of expression, freedom of the people to express themselves, at right of the people to redress from grievances.

Nakakahiya aniya ang ginagawa ng opisyal. Inihalintulad nito si Parlade sa China na nanunulak ng maliliit upang manlamang.

Likas na raw kasi sa mga Pilipino ang maging matulungin kung kaya’t hindi dapat ito bahiran ng anuman.

Si Parlade ang hepe ng AFP Southern Command at tagapagasalita rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).

Una nang nakiusap si Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate national defense committee, na tanggalin si Parlade bilang spokesperson ng NTF-ELCAC.