Kinuwestyon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang appointment ng dating Bureau of Immigration officer bilang acting chief ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng Immigration.
Kinukuwestyon ng Senadora kung ito ay may kaugnayan sa tuluyang pagtakas ng grupo ni Alice Guo.
Kinilala ni Hontiveros ang naturang opisyal bilang si Vincent Bryan Allas, dating nagsilbi bilang Immigration Officer 3.
Ayon kay Hontiveros, si Allas ay isa sa 45 BI officials na dating dinismiss ng Ombudsman noong March 2022 dahil sa umano’y kaugnayan niya sa ‘pastillas scam’.
Kasalukuyan din aniyang nahaharap ang opisyal sa ilang graft cases sa Sandiganbayan.
Nagiging palaisipan aniya kung paano nakabalik si Allas sa BI at na-appoint pa bilang acting chief ng BCIU, ang unit na naatasang magsagawa ng intelligence at counter-intelligence para mapalakas ang operational capability ng mga international port of entry at exit.
Ginawa ni Risa ang pahayag sa ikalawang hearing ng Senate sub-committee on justice and human rights na nag-iimbestiga sa naging pagtakas ng grupo ni Alice Guo.