Pinabulaanan ni Senator Risa Hontiveros ang kumakalat online na edited na larawan niya kasama ang sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Guo.
Sa kaniyang online accounts, sinabi ng Senadora na wala siyang kaibigan na pekeng Pilipino at binalaan din niya ang publiko na mag-ingat sa mga edited na larawan online na nagpapakitang magkasama diumano sila at magkaibigan ni Alice Guo dahil ito aniya ay peke.
Sinabi din ni Sen. Hontiveros na kanilang tutuntunin ang nasa likod ng nagpapakalat ng naturang larawan.
Nanawagan din ang mambabatas sa social media platforms na i-moderate ang paggamit ng AI content.
Matatandaan na ang komite ni Senator Risa Hontiveros ang nanguna sa imbestigasyon sa pagkakadawit ng dating alkalde sa sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Dito, kinuwestiyon din ang tunay na pagkakakilanlan at nasyonalidad ni Guo dahil sa mga nadiskubreng butas sa kaniyang birth certificate sa isinagawang Senate hearings. Nabulgar din kalaunan sa imbestigasyon ng NBI na tugma ang fingerprints ni Alice Leal Guo sa chinese passport holder na si Guo Hua Ping kayat lumakas pa ang ebidensiya na siya ay isang Chinese at hindi Pilipino, taliwas sa claim ng dating alkalde.
Sa ngayon may existing arrest order pa rin si Guo sa Senado at nasa Immigration Lookout Bulletin Order.