VIGAN CITY – Hiniling ng isang senador na lakihan umano ng gobyerno ang ipapamahagi nilang tulong sa publiko sa ilalim pa rin ng Social Amelioration Program (SAP)
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Sen. Risa Hontiveros, sinabi nito na nararapat lamang may sapat at agarang tulong na matatanggap ang bawat pamilya na may maraming miyembro, mga maysakit at mga senior citizen.
Kailangan din aniya na maging transparent o malinaw ang gobyerno sa kanilang mga guidelines upang hindi magresulta ng kalituhan sa publiko at upang maiwasan umano ang problema sa kung sino ang mga benepisyaryo ng SAP.
Dahil ang mga mahihirap na pamilya ang prayoridad ay makatutulong aniya na ibase na lamang nila sa listahan ng mga myembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Gayunman, sinabi ng senador na mas mabuti umanong mabigyan ang lahat ng nasabing tulong upang hindi na pahirapan pa ang pagpili sa mga benepisyaryo.
Ito rin aniya ay upang hindi rin maantala ang tulong na hinihintay ng mga mamamayan dahil aniya lahat naman ay apektado ng krisis na kinakaharap ngayon ng bansa.