Inihayag ni Senator Risa Hontiveros ang pagsuporta sa ginawa ng Kamara de Representantes na pagtapyas at paglilipat sa mahigit P1.3 billion na pondo ng Office of the Vice President para sa 2025.
Ayon kay Hontiveros, mas nakabubuting ilipat ang naturang pondo sa Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang dalawang ahensiya na may konkretong social at health services.
Giit ng Senador, maaaring magamit ang naturang pondo sa pagpapabuti ng health at social services sa Pilipinas at matulungan ang mga mahihirap lalo na ang mga mayroong iniindang medical condition.
Ayon pa kay Hontiveros, kapag kakailanganing pagdebatehan na ang pondo sa bicameral conference ay kaniya itong susuportahan.
Umaasa rin ang Deputy Minority Leader na dadalo si VP Sara Duterte sa magiging pagdinig sa budget.
Ilang araw bago ito ay inanunsyo ng Mababang Kapulungan ang pinal na desisyon nitong tapyasan ang budget ng OVP ng mahigit P1.3 billion kung saan mahigit P646.5 million ay ipapasok sa DSWD at gagamitin sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ang kalahati nito ay inilaan sa DOH at gagamitin sa programa nitong Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).
Katwiran ng mga kongresista, mayroong ‘overlapping’ sa programa ng OVP at ng DOH at DSWD kaya’t dito dinala ang naturang pondo.