LAOAG CITY – Sa kabila ng naranasang malawakang baha dulot ng bagyong Ineng ay nabuhayan ng loob ang mga naapektuhang residente sa Ilocos Norte sa pagbisita ng ilang national officials at celebrities.
Kasama na rito sina Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Go, Agriculture Sec. William Dar, Social Welfare Sec. Rolando Bautista, at mga aktor na sina Robin Padilla at Philip Salvador.
Ayon kay Go, mahal na mahal niya ang mga Ilocano at hinding-hindi niya raw makakalimutan ang mga ito dahil sa suportang ibinigay sa kanya at kay Pangulong Rodrigo Duterte noong eleksyon.
Sinabi niya na sa panahon ng kalamidad, ito ang pinakamagandang pagkakataon para ibalik naman sa mga taga-Ilocos Norte ang serbisyong karapat-dapat na ibigay nila.
Dagdag niya, mismong si Duterte ang nag-utos sa kanya para magtungo sa lalawigan at personal na makita ang mga naapektuhang residente at ipamahagi ang mga tulong nila sa mga mamamayan.
Inihayag pa ni Go na mas gusto niyang pumunta sa mga lugar na sinalanta ng bagyo o mga nasunugan kaysa dumalo sa mga fiesta dahil kainan lamang ang ginagawa at masama sa kalusugan.
Maliban dito, kinantahan din nina Go, Padilla at Salvador ang mga tao ng kantang “Maging Sino Ka Man.”
Maalalang pumalo na sa mahigit P1-bilyon ang inisyal na halaga ng mga nasira sa pananalasa ng naturang bagyo.
Sa huling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot na sa mahigit P998-milyon ang halaga ng mga nasira sa imprastraktura habang halos P46-milyon sa agrikultura.
Una nang nagkaroon ng pagpupulong sina Bautista, Dar, Governor Matthew Marcos-Manotoc, Sen. Marcos, Sen. Go at si Melchito Castro, pinuno ng Office of Civil Defense –Region 1 sa provincial capitol hinggil pa rin sa pananalasa ng bagyong Ineng sa lalawigan.