-- Advertisements --

Binigyang diin ni Senator Imee Marcos na dapat maghanda ang Pilipinas sa epekto ng US elections sa buong mundo kabilang na ang ating bansa.

Sa isang statement, sinabi ni Sen. Imee, na nagsisilbing chairman ng Senate Committee on Foreign Affairs, na ang mga polisiya ng Amerika sa immigration, pamumuhunan at defense ay maaaring mabilis na magbago kasunod ng 2024 presidential elections.

Sa halos 4.5 milyong Filipino-Americans aniya na naninirahan sa US, ipinunto ni Sen. Marcos ang pangangailangan para sa mapayapa at maayos na electoral process. Aniya, ang political at economic stability ng US ay mahalaga sa economic stability ng buong mundo. Dagdag pa ng Senadora na ang sinumang Pangulo ng Amerika ay uunahin ang interest ng mga Amerikanong mamamayan.

Ibinabala din ni Marcos na ang mas mahigpit na US Immigration policies ay maaaring humantong sa deportasyon ng libu-libong hindi dokumentadong Pilipino habang maaaring humina naman ang direct investments at mabawasan ang mga trabaho sa BPO sa bansa sa gitna ng mga pagsisikap na ibalik ang American companies sa kanilang bansa.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Marcos sa patuloy aniyang pagka-‘miss out’ ng malalaking foreign investments sa kabila ng kasalukuyang US “friend-shoring” policy ng administrasyon ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa usapin naman sa depensa, nanindigan ang mambabatas na hindi malinaw kung ipagpapatuloy ng susunod na Pangulo ng Amerika ang agresibong pagpapalawig ng presensiya ng US military sa Pilipinas.

Kaugnay nito, hinimok ni Sen. Imee ang gobyerno na ganap na ipatupad ang Self-reliant Defense Posture Revitalization Act sa lalong madaling panahon.