LAOAG CITY – Ikinadismaya ni Sen. Imee Marcos ang mabagal na pagbabalik ng suplay ng kuryente dito sa Ilocos Norte matapos ang pananalasa ng Bagyo Egay.
Ito ay dahil nasa 22.72 percent o 127 barangay pa lamang ang naibabalik sa serbisyo ng kuryente dito sa lalawigan.
Sa pagbisita ng Senador sa lalawigan matapos ang pananalasa ng Bagyo, naobserbahan umano niya na mabagal ang aksyon ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC) kung saan maraming tinanggal na tauhan pero hindi naman kumuha ng mga papalit dahilan kung bakit kulang ngayon ang linemen kahit pa marami ang equipment na puwedeng magamit.
Sinabi pa nito na dahil dito ay humingi na sila ng tulong sa ibang lalawigan tulad ng Tarlac at Pangasinan sa pamamagitan ng National Electrification Administration.
Iginiit nito na nakakahiya umanong humingi ng tulong sa ibang lalawigan lalo’t marami ang windmill at solar dito sa Ilocos Norte, ngunit ito na lamang ang paraan para mapabilis ang pagbabalik ng suplay ng kuryente.
Samantala, dumating na at kasalukuyang nagtatrabaho ang mga kasapi ng Pampanga 1 Electric Cooperative, Tarlac 1 Electric Cooperative, Tarlac 2 Electric Cooperative at San Jose City Electric Cooperative kung saan binuo ang Task Force Kapatid – EGAY na kinabibilangan ng 32 linemen at engineers mula sa mga naturang electric cooperatives.