DAVAO CITY – Nagdiwang ng kanyang kaarawan si Senator Imee Marcos sa Davao City.
Nitong Sabado, Nobyembre 12, nakasama niya si dating Davao City Mayor at Vice President Sara Duterte sa distribution ng mga Certificates of Land Ownership Award (CLOA) at computerized titles ng Department of Agrarian Reform para sa mga magsasaka ng Davao Region.
Nasa 135 benepisaryo ang nabigyan ng CLOA na mga magsasaka sa Davao De Oro, at umabot sa 2,638 ang nabigyan naman sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Kalaunan, bumisita sa mga kababayang Muslim ang senadora sa isang komunidad sa Barangay 19-B sa Davao City upang maghatid ng mga pagkain at ayuda.
Kinagabihan, napuno ng mga malalaking personalidad at pangalan sa larangan ng pulitika ang dumalo sa birthday party ni Senador Marcos na ginanap sa isang hotel sa Lanang, Davao City.
Dumalo sa pagdiriwang sina Vice President Inday Sara Duterte, Sen. Christopher Bong Go, Davao Oriental Governor Corazon Malanyaon at Pastor Apollo C. Quiboloy.
Nagpaabot naman ng mensahe si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Senator Marcos kung saan ipinahayag ng dating pangulo na nawa’y maalagaan ang bansa.