Nagpahiwatig na ng pagkalas sa alyansa si Sen. Imee Marcos, ilang araw lamang matapos itong i-indorso ng partido ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa alyansang ito ang Nacionalista Party, Lakas CMD, NPC at iba pa.
Sa kaniyang video message, sinabi ni Sen. Marcos na bagama’t nagpapasalamat siya sa mga grupong nagtiwala at patuloy na nagbibigay ng tiwala sa kaniya, may mga bagay siyang nais na ikonsidera.
Itinuro daw kasi ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na manindigan at tumayong mag-isa na walang kinakampihang organisasyon kundi ang taumbayan.
Aminado ito na hindi madaling mag-isa sa kampanya at sa politika, ngunit ayaw na rin niyang malagay sa alanganin ang kaniyang nakababatang kapatid na pangulo ng bansa ngayon.
“…Bilang panganay niya, pinipili kong manindigan nang malaya’t matatag, tulad niya; na wala na dapat kampihan kundi ang Sambayanang Pilipino. Hindi madaling tumayong magisa, sa kampanya at sa pulitika… Ngunit yan ang pamana ng matanda sa akin, yan ang pamana ni Apo Lakay na ginugunita natin ngayon… Minabuti kong tumindig mag-isa upang huwag nang malagay sa alanganin ang aking ading, para wag nang mag-alinlangan ang aking mga tunay na kaibigan. Pinipipili ko na lamang manatiling malaya at tapat—hindi sa isang grupo, kundi sa bawat Pilipino,” wika ni Sen. Marcos.
Matatandaang malapit na kaibigan si Sen. Imee ni Vice President Sara Duterte, habang pinsan naman nito si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang banggan nina Romualdez at Duterte ay nalantad pa sa mga nakaraang pagsasalita ni VP Sara.
Naging isyu na rin ang pag-amin ng bise presidente na si Sen. Imee ang kaniyang kaibigan at para lamang sa panahon ng politika ang pagiging malapit niya noon kay Pangulong Bongbong Marcos.