-- Advertisements --
JV EJERCITO

Binigyang-diin ngayon ni Sen. JV Ejercito na dapat may makasuhan at makulong sa Department of Agriculture, Sugar Regulatory Administration, at Bureau of Customs na nagpabaya o sangkot sa smuggling ng agricultural products.

Kasunod ito ng sugar importation fiasco na nagresulta sa mga raid sa mga bodega kung saan nadiskubre ang libu-libong sako ng asukal na pinaniniwalaang smuggled.

Gayundin sa sobrang importasyon at smuggling ng bigas, sibuyas at iba pang agricultural products na pumapatay sa mga magsasaka.

Sinabi ni Sen. Ejercito na bilang authort ng Anti-Agricultural Smuggling Act, nakakadismaya na sa loob ng tatlong pagpapatupad ng batas, talamak pa rin ang smuggling ng mga nasabing produkto.

Ayon kay Ejercito, kapag natapos ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa sugar importation fiasco, irerekomenda nila sa Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot na opisyal.

Mabigat daw ang parusa dahil batay sa batas, maituturing na economic sabotage ang agricultural products smuggling.

Samantala, naniniwala naman si Ejercito na mas mabuting dumalo bukas si Executive Sec. Vic Rodriguez sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa sugar importation fiasco.

Makakatulong daw ito para matapos na at malinawan lahat ng isyu.

Pag-aaralan naman daw ng komite kung kailangang i-subpoena si Rodriguez dahil may sulat ito na nagpapaliwanag na abala siya ngayong linggo habang nasa state visit si Pangulong Bongbong Marcos sa Indonesia at Singapore.