Aminado si Sen. Koko Pimentel na hindi niya napigilan ang matinding emosyon nang humarap kanina para sa response ng pamilya mula sa mga pagkilala sa eulogy ng ilang dating katrabaho at kaibigan ng kaniyang amang si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Ayon sa nakababatang Pimentel, hindi niya naawat ang sariling damdamin mula sa kalungkutan dahil sa pagpanaw ng ama.
Pero kaalinsabay nito ang kaligayahan umano dahil sa mga narinig na pagkilala mula sa iba’t-ibang tao.
“Thank you for helping tatay achieve his vision and goals as a legislator,” wika ni Sen. Koko.
Inabutan na lang ni Kathryna Yu-Pimentel ng panyo ang kaniyang mister sa gitna ng matinding emosyon.
Sa huling bahagi ng necrological service, ipinarinig ang sinulat na awit ni Lourdes “Bing” de la Llana-Pimentel, biyuda ni Sen. Nene, na pinamagatang “Just Let Me Cry.”
Ito ay nilikha sa mismong araw nang pagpanaw ni Sen. Pimentel, ini-arrange ni David Angelo Jorvina at inawit ni Erielle Jestine Fornes.
Hiling daw kasi ni Sen. Nene na huwag umiyak ang kaniyang may-bahay, ngunit sadyang hindi naman ito mapigil ng ginang, kaya sinulat na lang niya ang naturang komposisyon.