BAGUIO CITY – Sinariwa ni Senator Panfilo Lacson sa kanyang isipan ang kanyang naging buhay nang siya’y isang kadete pa lamang sa Philippine Military Academy (PMA) na matatagpuan sa Fort Gegorio del Pilar, Loakan Road, Baguio City.
Nagsilbi ang senador bilang guest of honor and speaker sa pagdiriwang ng ika-110 na Baguio Charter Day nitong Linggo.
Sa kanyang talumpati ay inalala ng mambabatas ang mga naging karanasan niya sa akademya, maraming dekada na ang nakalipas.
Sinabi niya na ang mga karanasan niya sa PMA ang nagsilbing training ground nito para maging mahusay na lider ng pamahalaan.
Iginiit pa ng senador na natutunan niya sa PMA na hindi maaaring maging lider ang isang tao na hindi marunong sumunod sa maliliit hanggang sa mabibigat na batas.
Idinagdag ni Lacson na ang pagiging kadete nito ang naging hamon sa kanya para mabuhay ito sa disiplina at tamang landas.
Nagtapos si Lacson sa PMA noong 1971 kung saan naging kaklase niya si Information and Communications Technology Secretary at dating senator Gregorio Honasan II.