Pinagpapaliwanag ni Sen. Panfilo Lacson ang House leadership sa inaprubahan nitong infrastructure projects sa mga congressional districts na nakapaloob sa P4.5 trillion national budget kung saan nasa P620 million hanggang P15 billion ang alokasyong nakita sa bawat mga kongresista.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P659 billion budget para sa Department of Public Works and Highway (DPWH), sinabi ni Lacson na halos kabuuan ng pondo ay alokasyon sa mga distrito ng mga kongresista.
Pabiro nitong sinabi na ang insertions ng mga Senador ay lumalabas na parang barangay kagawad lamang ang mga ito kumpara sa insertions na ginawa ng Kamara.
“Colleagues, all I can say is, pity yourselves, those of us who may have individual insertions, it will make you look like barangay kagawads compared to our House counterparts. You see, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million,”pahayag ni Lacson.
Tumanggi naman si Lacson na tukuyin ang mga pangalan ng mga kongresista na nakakuha ng malaking infrastructure projects.
Aniya, mainam na mai-focus ang usapin sa mga distrito kaysa sa personalidad.
Malinaw umano na may kumpas ng House Leadership ang paghahanda sa budget at kung sino sino ang makakakuha ng may malalaking pondo kaya mali na ibaling ang sisi sa DPWH dahil malinaw na ang mga congressman ang gumawa ng listahan.
Matatandaang una nang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Eric Yap na ang DPWH ang siyang dapat na magpaliwanag sa mga infrastructure projects na pinondohan sa ilalim ng 2021 budget.
Gayunpaman sinabi ni Lacson na suportado niya ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi corrupt si DPWH Secretary Mark Villar.
“I’m not blaming the department if it appears this way because practically, mga congressmen po ang may gawa ng mga listahan na ito,” paliwanag nito.
Sinabi ni Lacson na hindi pa dapat magbunyi ang mga kongresista sa kanilang malaking 2021 budget, aniya, bagamat naisumite na sa plenary ang DPWH budget ay maaari pa itong amyendahan at baguhin bago ang second reading at sa bicameral conference meeting.
Ilan sa una nang tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrtito sa Davao na may P15.351 billion budget; sa Albay ay P7.5 billion, sa Benguet ay P7.9 billion habang sa Abra ay P3.75 billion.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito subalit isa sa may hawak ng distrito sa Davao ay si presidential son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Ang 2021 budget ay pinagtibay sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco subalit tumanggi ito na magkomento sa mga rebelasyon ni Lacson.
Matatandaang sa House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep, Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep Doy Leachon ang hindi pantay pantay na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan ng mga ito si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas subalit sa pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamara ang 2021 budget.
Bukod sa naglalakihang infrastracture budget ng mga kongresista at pinuna din ni Lacson ang “disparity” o unfair na hatian ng budget mismo sa pagitan ng mga kongresista na ang iba ay bilyong piso kumpara sa iba na kakarampot, tinukoy din nito ang pagpopondo ng P68 billion sa tinawag nitong corrupt-ridden at skeleton multi-purpose building, sa kabila ng mga ibinunyag na iregularidad na ito ay nanatili namang tahimik sa isyu si House Speaker Velasco.