Binatikos ni Sen. Imee Marcos ang plano ng Philippine International Trading Corporation (PITC) na importasyon ng bigas para sa piling grupo, partikular na ang mga fast food chain, grocery at maliliit na supermarket sa bansa.
Dismayado si Marcos kung bakit uunahin pang tangkilikin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang importasyon ng bigas sa panahon na lubog ang kalagayan ng mga lokal na magsasaka.
“Wrong timing si Secretary Ramon Lopez. Kahit pa ikatwiran nilang magiging mura ang halaga ng bigas sa gagawing rice importation, kung kabuhayan naman ng mga magsasakang mga Pinoy ang babagsak, balewala rin ito,” pahayag ni Marcos.
Sinabi kasi ni Lopez na maaring umabot sa 300 containers ng imported rice ang ilalaan para sa mga fast food chain at supermarket sa mga darating na buwan.
“Nasaan ang ating konsensya at ano ba ang nasa isip ng mga negosyanteng ‘yan na uunahin pa ang ibang bansa kaysa bilhin ang sariling bigas natin?” dagdag ni Marcos.
Inaasahang sa mga susunod na linggo sisimulan ang mga inisyal na importasyon ng bigas na ilalaan sa mga fast food chain, ilang supermarket at piling mga grocery stores.
“Maawa naman sila sa mga kababayan nating mga magsasaka na wala na halos kinikita. Itigil nyo yan!” pahayag pa ni Marcos.