CAUAYAN CITY – Nagpasalamat si Sen. Nancy Binay sa mga taga-Isabela dahil sa tulong umano ng mga ito para makabalik ito sa Senado para sa ikalawang termino.
Nitong Linggo nang manumpa si Binay sa harap ng mga taga-Isabela kasabay ng ilang bagong halal na opisyal ng lalawigan.
Kasama rin niya ang kanyang ama na si dating Vice Pres. Jejomar Binay.
Sa talumpati nito, inamin ng senadora na labis ang kanyang kaba bago ang pormal na ianunsyo ng Commission on Elections ang listahan ng mga nanalong mambabatas para sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Ani Binay, ikinapanatag ng kanyang loob nang malaman na boto mula sa Isabela ang isa sa mga huling inaabangan na bilang dahil mga kababayan ng kanyang pamilya ito.
Batay sa datos ng Comelec aabot sa 400,000 ang mga botong nalikom ni Binay mula sa Isabela.
Matapos manumpa ng senadora ay pinasinayaan din ang panunumpa sa pwesto nina Gov. Rodito Albano at Vice Gov. Benjie Dy.
Bukod sa mga opisyal, dumalo rin para magtanghal ang mga singer na sina Jed Madela at Vina Morales.