Ibinahagi ni Jonel “Kid Pacquiao” Dapidran kung paano siya tinutulungan ng kanyang pinsan na ni Sen. Manny Pacquiao upang umangat din sa pagboboksing tulad ng kanyang idolo.
Sa interview ng ng Bombo international correspondent Johnny Armas mula sa Brisbane, Australia kay Dapidran, hindi naitago nito ang excitement sa kanyang pinakaunang laban sa labas ng Pilipinas.
Ayon kay Dapidran, 19, matagal na niyang pangarap na lumaban sa ibang bansa.
Inamin pa niya na hindi siya makapaniwala na lalaban pa siya bilang isa sa undercard ng Pacquiao-Horn showdown na magaganap sa mahigit 50,000 setting capacity na Suncorp Stadium.
Makakaharap ni Jonel (8-1, 4KOs) sa six-round junior super lightweight bout si Brent Dames (5-3) ng Australia.
Si Dapidran ang ikalawang Pinoy na lalaban sa undercard ng fighting senator sa darating na linggo.
Ang isa pang protege ni Pacman ay si Jerwin Ancajas (25-1-1, 17 KOs) na haharapin naman si Teiru Kinoshita (25-1-1, 8 KOs)Â ng Japan kung saan paglalabanan ng dalawa ang IBF world junior bantamweight crown.
Kuwento ni Dapidran sa Bombo Radyo, pinapayuhan daw siya ni Manny na mag-ensayo lamang ng husto at mag-focus sa kanyang career.
Liban dito, may mga-moves din daw o tips si Pacman na itinuturo sa kanya upang maging maganda ang diskarte sa ibabaw ng ring.
“Actullay nagpapayo rin siya sa akin na train hard lang at mag-focus sa pag-eensayo,” ani Dapidran sa Bombo Radyo. “Meron ding mga moves na ibinibigay siya sa akin at konting tips para hindi magkahirap-hirap sa laban.”
Samantala, nanawagan naman si Dapidran ng suporta at dasal para sa kanilang laban na mga Pinoy sa “Battle of Brisbane.”
Ang 5-foot-9 na si Dapidran ay second cousin na ni Pacman dahil ang tatay niya at si Mommy D ay magpinsan.
Ang alaga ni Pacquiao ay nasa ilalim ng MP Promotions at naging kasa-kasama ng eight division world champion sa training camp sa General Santos City.