-- Advertisements --

Aminado si Senator Manny Pacquiao na masyadong mabagal ang pagbili ng Pilipinas sa mga bakuna laban sa coronavirus disease kaya siya na mismo ang umapela kay U.S. President Joe Biden na pabilisin ang delivery ng Moderna COVID-10 vaccines sa bansa.

Ayon sa senador, sa pamamagitan ng isang sulat ay ipinaabot nito sa pangulo ng Estados Unidos ang kaniyang pag-asa na maagang matatanggap ng bansa ang mga bakuna na gawa ng Moderna kaysa sa inaasahang original schedule ng delivery nito sa Hunyo 2021.

Kung sakali aniyang papayag ang Amerika ay nakahanda raw si Pacquiao na magpabakuna ngayong buwan.

Tila napag-iiwanan na raw kasi ang Pilipinas sa vaccination program nito dahil kung ikukumpara raw ang progreso nito sa ibang bansa ay malaki umano ang pagkakaiba.

Sa ngayon ay hindi pa sumasagot ang White House sa sulat ni Pacquiao subalit nais din daw nito na magkaroon ng “direct line” ng komunikasyon sa Democratic president.

Sa kaniyang sulat na may petsang Abril 10, umapela ang sportsman-turned-politician kay President Biden na pangasiwaan ang agarang release ng 20 milyong doses ng coronavirus vaccines sa gobyerno ng Pilipinas.

Binanggit din ng senador sa liham ang biglang pagsirit ng naitatalang COVID cases sa bansa.

Tiniyak naman ni John Law, chargé d’affaires ng U.S. Embassy sa Maynila, na nakahanda ang embahada na tumulong sa sinumang nangangailangan na magkaroon ng bakuna laban sa nakamamatay na virus.