BACOLOD CITY — Milyon-milyong piso na naman ang ipinamudmod ni Senador Manny Pacquiao sa mga residente sa Bacolod kasabay ng kanyang pagbalik sa lungsod kahapon.
Tiniis ng mga tao ang init ng araw mula tanghali para lang maghintay sa fighting senator sa labas ng Bacolod Government Center.
Pagdating ng Pinoy ring icon, pinapasok nito ang lahat ng tao sa BGC at doon namigay ng tag-P1,000 at P2,000.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, umabot sa P4.1 milyon ang ipinamudmod ni Pacquiao.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na namigay ng pera si Pacman- una ay noong nakaraang buwan.
Si Pacquiao ay nasa Bacolod uli para sa ikalawang homecourt game ng Bacolod Master Sardines laban sa Cebu City Sharks na ginanap kagabi sa USLS-Bacolod.
Bahagi ito sa nagpapatuloy pa rin na Maharlika Pilipinas Basketball League.
Plano naman nitong magtayo ng isang ‘Pacman Village’ para sa mga homeless sa lungsod ng Bacolod.
Sa press conference, sinabi ni Pacquiao na ang Pacman Village ay kanya mismong housing program para sa mga taong nakatira sa lansangan.
Dagdag pa nito, nakikipag-ugnayan na rin siya kay Mayor Evelio Leonardia tungkol sa presyo ng lupa sa Bacolod.
Paliwanag ng senador, nais lamang niyang maging ehemplo sa ibang mga mayayamang tao sa bansa na walang pagmamahal sa mga mahihirap.
Aniya, hindi madadala sa hukay ang kayamanan kaya dapat itong ipamahagi sa mga nangangailangan.