Binanatan ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang ilang miyembro ng kaniyang partido na PDP-Laban na sumusuporta sa mga “outsiders” para sa 2022 national elections.
Sa inilabas ng kalatas ng senador bilang executive vice-chairman at dating pangulo ng partido, sinabi nito na may ilang grupo na aktibong nagsasagawa ng pagbalasa sa partido ng walang anumang otorisasyon.
Isa rito ang ginawa noong Mayo ni Department of Energy (DOE)) Secretary Alfonso Cusi na nagpatawag ng pagpupulong sa Cebu City kahit na pinapatigil ito ng kanilang acting president at Senator Manny Pacquiao.
Natuloy ang nasabing pagpupulong matapos sabihin ng Malacañang na ito ay may basbas mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang party chairman.
Tinanong ni Pimentel ang ginawa ni Cusi na bakit hindi isinama si Pacquiao at bakit aniya na mayroong sekreto itong agenda.
Hindi rin nito maiwasan na akusahan ang mga dumalo sa pagpupulong sa Cebu na nagpaplano na mag-nominate ng non-party member bilang pambato ng partido sa pagkapangulo.
Iginiit pa ng senator na dapat ang pambato ng PDP-Laban sa pagkapangulo ay mismong miyembro nila.
Maguguntiang isinusulong ni Cusi na tumakbo sa pagkapangulo si Davao City Mayor Sara Duterte na kanilang magiging pambato.