-- Advertisements --

Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikonsidera ang muling pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ginawa ng Senador ang panawagan sa harap ng mga miyembro ng diplomatic community sa idinaos na 3rd Iteration of the Foreign Policy Address sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ipinunto ni Sen. Pimentel na ang muling pag-anib ng PH sa ICC ay magsisilbi bilang insurance policy laban sa mga posibleng pang-aabuso ng mga lider sakaling mabigo ang justice system ng bansa.

Si Sen. Pimentel nga ang nanguna sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa kontrobersiyal na war on drugs ng nakalipas na Duterte administration noong Oktubre 28.

Matatandaan na nauna ng kumalas ang Pilipinas mula sa ICC sa ilalim noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng paglulunsad ng international tribunal noong 2017 ng imbestigasyon sa madugong kampaniya ng Duterte administration kontra ilegal na droga.