-- Advertisements --

Hinimok ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Senate Majority Leader Francis Tolentino na simulan na ang paggulong sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa pahayag ni Pimentel, dapat nang pangunahan ni Tolentino ang paglilitis alinsunod sa mandato ng konstitusyon.

Maaari aniyang simulan agad ang paghahanda para sa impeachment dahil hiwalay at naiiba aniya ito sa legislative functions ng Kongreso.

Noong nakaraang linggo, sumulat si pimentel kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, na humihiling na dapat nang mag-convene ang senado bilang impeachment court kung saan binanggit nito ang nakasaad na forthwith.

Ang nasabing letter ay naisangguni na sa Senate Committee on rules na kasalukuyang pinamumunuan ni Tolentino.

Sa kabila ng paninindigan ni Escudero sa panawagan na dapat simulan na ng Senado ang paglilitis ngayong session break, iginiit ng minority leader na iba ang legislative calendar sa court calendar.

Sinabi ng liderato ng senado tatawid na ang paglilitis sa 20th congress na magbubukas sa Hulyo 28.

Aniya, mas magiging mabilis na ang proseso kapag nauna nang natapos ang pre-trial kaya’t posibleng abutin lamang ng tatlong buwan ang pagdinig at pagdating ng Oktubre ay magbobotohan na ang mga senador kung iko-convict o i-aacquit si vice president sara duterte.