Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi na siya magugulat pa kung nakalabas na ng Pilipinas si suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang press conference sa Senado, sinabi ni Sen. Escudero na kung sakali man na nakalabas na nga ng bansa si Guo dagdag kapabayaan nanaman umano ito sa parte ng Bureau of Immigration.
Una na ngang pinalutang ni Senator Sherwin Gatchalian ang posibilidad na maaaring ginamit ng suspendidong alkalde ang kaniyang Chinese passport para makalabas ng Pilipinas.
Naniniwala ang Senador na nananatiling active ang Chinese passport ni Guo na ginamit umano nito hanggang noong 2011.
Maaalala na kinumpirma ng National Bureau of Investigation na ang fingerprint ni suspended Mayor Guo ay tumugma sa fingerprint ng Chinese passport holder na si Guo Hua Ping na nagpapakitang sila’y iisang tao lamang.
Samantala, iginiit din ni Senate President Escudero na ang inisyung arrest order ng Senado laban kay Guo ay hindi para ikulong o para parusahan ito kaugnay sa nagawang krimen kundi para tiyakin ang pagdalo nito sa mga pagdinig at sagutin ang mga katanungang ipupukol sa kaniya habang iginagalang ang paggiit ng kaniyang bill of rights kaugnay sa karapatan laban sa self-incrimination at karapatang manahimik.
Saad pa ni Sen. Escudero na nagpapakita na may tinatago o may iniiwasang harapin o sagutin na mga katanungan ang kawalan ng kagustuhang sumuko.
Ginawa ng liderato ng Senado ang pahayag matapos hindi sumipot si Guo sa mga sumunod na pagdinig ng Senate panel na pinangungunahan ni Senator Risa Hontiveros na nakatutok sa pag-imbestiga sa suspendidong alkalde dahil sa pagkakasangkot nito sa ni-raid na POGO hub sa kaniyang bayan na Bamban na nadiskubreng sangkot sa ilegal na aktibidad.