-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Ramon Revillar Jr na huwag sayangin ang panahon sa pagpasa ng panukalang waste to energy bill na naglalayong maisagawa ang polisya at regulatory framework para sa waste-to energy (WTE) technologies.

Si Revilla ang principal author ng Senate Bill No. 989 na isa sa mga panukala na kabilang sa iniulat na consolidated bill nina Sen. Raffy Tulfo na siyang chairman ng Committee on Energy.

Sina Senador Gatchalian, Tolentino, Tulfo at Senate President Zubiri ay kapwa nagsumite rin ng kani-kaniyang bersyon ng panukala.

Paliwanag ni Revilla, nakakapanlumong malaman na isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming basura na dumurungiw sa ating kapaligiran at nagdudulot ng kapahamakan sa taumbayan.

Ayon pa sa Senador, makatutulong ang pagpasa nito upang maresolba ang lumalalang problema ng waste pollution sa bansa na nagiging banta lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Ayon sa pag-aaral na nalathala sa Science Advances journal, ang Pilipinas ang nangunguna sa listahan ng mga bansang tila gabundok na ang nakakalat na plastic sa karagatan.

Sa ulat naman ng United Nations Environment Programme (UNEP) noong 2018, halos nasa kalahati ng plastic waste na humantong sa karagatan ay mula sa mga bansang China, Indonesia, Philippines, Thailand, at Vietnam.