Itinanggi ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na may alam siya sa umano’y reward system ng mga police officer na kabilang sa Davao drug war template sa war on drugs ng Duterte administration na ibinunyag ni retrired police colonel Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee nitong Biyernes, Oktubre 11.
Sa isang statement, nilinaw ng Senador na wala siyang ideya kaugnay sa alegasyon ni Garma na in-adopt ng Duterte administration ang tinatawag na Davao template sa kampaniya kontra ilegal na droga.
Nang tanungin naman ang Senador kung inutusan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang rewards system noong PNP chief pa siya, sinabi ng Senador na walang ganoong direktiba ang dating Pangulo.
Sa pagdinig nga kahapon, ibinunyag ni Garma na ang mga pulis na makakapatay sa mga drug suspect ay binibigyan ng pabuya para sa bawat suspek na kanilang mapapatay. Ang mga ito din aniya ang nagpaplano ng mga operasyon at operational expenses.
Dito, ibinunyag din ni Garma na tinawagan siya ni Duterte para sa pagbuo ng task force kung saan gagamitin ang Davao template.
Kinumpirma din niyang ang rewards na ibinibigay sa police officers na makakapatay sa kanilang drug operations ay pumapalo mula P20,000 hanggang P1 million.