Pormal nang umupo ngayon bilang bagong Senate president si Sen. Vicente “Tito” Sotto III para palitan si Sen. Aquilino “Koko’ Pimentel III.
Mismong si Pimentel ang nanguna sa pag-nominate kay Sotto, bilang pagpapakita na walang sama ng loob sa bagong liderato ng Senado.
Si Pimentel ay kabilang sa reelectionist senator na nakatakdang mag-file ng kanyang certificate of candidacy sa buwan ng Oktubre.
Nag-second the motion sa nominasyon ni Sotto si Sen. Manny Pacquiao.
Ang pagpapalit ng Senate presidency ay ilang oras matapos na magsagawa ng caucus ang mga senador.
Kabilang sa pinag-usapan ay ang pinaikot na resolusyon na nag-iindorso kay Sotto na unang pinirmahan nina Sen. Juan Edgardo Angara, Sen. Nancy Binay, Sen. Joseph Victor Ejercito, Sen. Francis Escudero, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Richard Gordon, Sen. Gregorio Honasan II, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Loren Legarda, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Ralph Recto, Sen. Joel Villanueva, Sen. Cynthia Villar, Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Grace Poe.
Sa kabuuan umabot sa 16 na mga senador ang pumirma.
Bago naman ang pormal na botohan sa plenaryo pasado alas-3:00 ng hapon ng Lunes, nasa 18 mga senador ang present.
Tumayo si Senate Minority Leader Frank Drilon sinabing sila na nasa oposisyon ay nag-abstain.
Nilinaw niya na bagamat iginagalang nila ang pagpapalit ng liderato, hindi naman sila maaaring sumama sa pagboto kay Sotto at baka tuluyang mabura ang oposisyon na hindi maganda para sa institusyon.
Sa ginanap na panunumpa ni Sotto, kanyang pinili ang kanyang best friend na si Sen. Gregorio Honasan na siyang mag-administer ng kanyang oath of office.
Sumaksi sa panunumpa ni Sotto ang kanyang asawa at beteranang actress na si Helen Gamboa, gayundin ang kanilang anak na si Chiara Sotto at iba pa.
Sa naging nominasyon ni Pimentel, inisa-isa niya kung bakit karapat-dapat na maging presidente ng Senado si Sotto.
Aniya, 20 taon na rin sa serbisyo si Sotto na siyang pinaka-most senior sa kanilang mga senador.
Dala raw nito ang karanasan na pinanday ng panahon, hindi lamang sa mga naipasang mga panukalang batas, kundi naging sumpungan din niya ito sa mga kunsultasyon sa mahahalagang kaganapan sa Senado at mga isyu sa politika.
Ipinagmalaki naman ni Pimentel na ang kanyang nominee na humawak na ng maraming posisyon sa Senado tulad ng pagiging majority leader sa panahon niya, naging minority leader din noon at iba pa.
Kuwento pa ni Sen. Koko, lagi raw on time kung pumasok si Sen. Tito at preparado.
Binanggit din ni Pimentel na naging bahagi rin si Sotto ng longest running variety show sa TV at naging institusyon na at ito ay ang “Eat Bulaga.”
Noong kabataan naman daw nito ay composer ito ng ilang mga hit songs tulad ng theme song noon ng EDSA people power na “Magkaisa.”
Pagdating naman sa sports, naging national player si Sotto sa bowling at magaling din sa golf na binansagan pa niyang “the Tiger Woods of the Philippines.”
Liban dito ang partido rin daw ni Sotto ay kaibigan ng lahat, ang Nationalist People’s Coalition (NPC).
“I am grateful for the support extended by my colleagues in the Senate during my term. All of them played significant roles in the crafting and passage of landmark legislation that have helped improve the lives of our people… It has been an honor and a privilege for me to serve the Senate as its President, a position once held by my father. He served the Senate with dignity, always staying true to his principles and consistently putting the interests of our nation before his – and it was his example I had tried to emulate during my time at the helm of the Senate,” ani Pimentel sa kanyang press conference. “I wish my successor, Senator Sotto, good health and Godspeed, and pledge to help the new leadership pass pro-people legislation consistent with the legislative agenda of the President.”
Samantala sa kanya namang acceptance speech, inamin ni Sotto na hindi niya akalain at hindi rin pumasok daw sa panagip na maluklok siya bilang Senate president.
Kaya naman labis ang kanyang pasasalamat sa tiwala na ibinigay sa kanya ng mga kasamahan.
Itinuring pa niya na pawang matatayog ang mga personalid na humawak sa ikatlong pinakamataas na posisyon sa bansa.
Dahil dito kanyang ipinangako na isusulong pa lalo ang mga panukalang batas na magpapaangat sa buhay ng mamamayan.
Kasabay din ng kanyang pagtiyak na kanyang gagamitin ang kanyang mga natutunan sa maraming mga Senate president na napagsilbihan niya.
“I hereby pledge to continue in helping the passage of laws that will be beneficial to the country and to every Filipino and to continue as well the diligence and continuation of koko Pimentel who has been the principal author and sponsor of many laws,” pahayag ni Sotto sa kanyang talumpati. “I am committed to do the very best and with your help I am confident that I have in my background the template of nine other senate presidents that I have served.”
Sa kabilang dako, agad na ring naghalal ang mga senador ng bagong majority leader at chairman ng rules committee upang ipalit kay Sotto.
Inihalal ng mga mambabatas si Sen. Migz Zubiri, na kung maalala humawak na rin nang nasabing posisyon noon.
Sumunod din naman kaagad ang panunumpa ni Zubiri sa presensiya ng kanyang misis, bilang bagong majority floor leader ng Senado.
“I have mixed emotions in accepting this post. For one, I am happy that I am given another opportunity to shepherd the passage of important pieces of legislation. On the other hand, I am saddened that it will take a lot of quality time away from my family, my wife and young children,” pahayag pa ni Zubiri. “After going through the ups and downs of my political career, marked by my resignation as Senator in 2011 and losing in 2013, I made a pact with God that this time I will do better.”