PASAY CITY – Nagkasundo ang mayorya ng mga senador na muling ihalal si Sen. Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President para sa 18th Congress.
Nitong umaga nang pormal na buksan ng mataas na kapulungan ang sesyon nito para sa bagong Kongreso.
Dumalo rito ang halos lahat ng senador, maliban kina Sen. Leila de Lima na nakakulong sa Camp Crame at Sen. Manny Pacquiao na nasa Las Vegas, Nevada, dahil sa naging boxing match kay Keith Thurman.
Pinangunahan nina Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Pia Cayetano ang nominasyon kay Sotto.
Agad namang tumugon dito ang lahat ng senador, maliban sa opposition lawmakers na sina Sen’s. Franklin Drilon, Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros na nag-abstain.
Tampok din ngayon ang panunumpa ng mga bagong halal na senador para anim na taong termino.
Kabilang sa mga bagong miyembro ng Senado sina Sens. Imee Marcos, Ronald dela Rosa, Francis Tolentino, Bong Go at ang nagbabalik na sina Cayetano, Lito Lapid at Bong Revilla.
Habang re-elected naman sina Sens. Sonny Angara, Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar at Koko Pimentel.
Umawit ng national anthem ang Senate choir sa pagbubukas ng sesyon.