-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan ni Senador Francis Tolentino sa angkop na komite sa senado ang napaulat na cyanide fishing ng mga dayuhang mangingisda sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Kinokonsidera kasi ni Tolentino na environmental terrorism ang napaulat na cyanide fishing.

Sa oras aniya na mapatunayan ang damages o nasira sa karagatan na sakop ng bansa dahil sa cyanide fishing ay maaari tayong makahingi ng danyos

Kaya naman Inihain ni Tolentino ang Senate Resolution 938 para ipasiyasat ang iligal at mapanganib na pangingisda ng mga Chinese at Vietnamese fishermen sa ating sakop na teritoryo sa West Philippine Sea.

Nakasaad sa resolusyon na noong February 17 ay natagpuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang lagoon na matindi ang pinsala dahil sa cyanide fishing ng mga mangingisdang Chinese at Vietnamese.

Malinaw na tinukoy sa resolusyon na salig sa Philippine Fisheries Code of 1998 ay labag ang paggamit ng mga pampasabog at nakalalason na substance tulad ng sodium cyanide sa pangingisda sa loob ng Philippine waters.

Iniugnay din ni Tolentino na maaaring paglabag din ito sa Anti-Terrorism Act dahil sa iligal na paggamit ng mapanganib na substances na maaaring makapagdulot ng sunog, pagbaha at malakas na pagsabog na maaaring magpatakot sa mga mamamayan at sa buong bansa.

Posible namang sa committee on environment, natural resources and climate change mapunta ang naturang pagsisiyasat.

Ipatatawag din aniya sa ikakasang imbestigasyon ang mga nauugnay na ahensya ng gobyerno.