-- Advertisements --

Naghain si Senador Raffy Tulfo ng Senate Resolution number 985 na layong imbestigahan ng Senado ang conflict of interest ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.

Nag-ugat ang paghahain ng resolusyon ni Tulfo matapos na lumabas ang isang artikulo sa diyaryo kung saan nakasaad na may kinamkam na 40,000 hectares na lupain sa Coron at Busuanga ang pamilya ni Yulo-Loyzaga na tinawag na Yulo King Ranch (YKR) kung saan ang pitong ektarya ng lupaing ito, diumano, ay ginagamit bilang meat processing plant.

Noong taong 1975, nagpalabas ng Presidential Proclamation No. 1387 si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at idinideklara ang 40,000 hektaryang lupain na ito sa Isla ng Busuanga bilang pasture reserve – na nagsasabing bawal ibenta, at maipamahagi, magamit at mapakinabangan ang lupa na ito maliban sa pagiging pasture reserve.

Aniya ang lupain na ito ay public domain, ibig sabihin, ito ay pagmamay-ari ng sambayanan at hindi ng pribadong indibidwal.

Taun-taon, mula 2015 hanggang ngayon, daan-daang mga magsasaka ang nagwewelga sa Palawan at kanilang hinihiling na sana ay maibahagi sa kanila ang katiting na 900 hectares na nakapaloob sa YKR upang kanilang magamit at mapakinabangan.

Ayon sa Section 8 ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 o E-NIPAS Act of 2018, mandato ng DENR Secretary na magpalabas ng mga patakaran para pangalagaan ang mga protected area nang naaayon sa polisiya ng batas.

Pinuna ng senador ang naging pahayag ni Yulo na hindi nila planong galawin ang mga ilegal na negosyong istraktura gaya ng mga resort na naipatayo sa mga protected area tulad ng sa Mt. Apo, bagkus ay hahanapan daw niya ito ng “common ground” alang-alang sa mga nagtatrabaho doon.

Matapos ang pagdinig kamakailan sunod sunod na ang sumadya sa tanggapan ni Sen. Tulfo para isumbong ang ilan pang protected areas na pinatayuan ng illegal structures, gaya ng sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape at Ticao Burias Pass Protected Seascape. Kasama na rin ang Mt. apo at Chocolate Hills Natural Monument.

Dagdag pa ng senador na kabilang na rin ito sa kanyang iimbestigahan sa kanyang inihaing resolusyon.