-- Advertisements --

Naghain ng panukalang batas si Senate Majority Leader Joel Villanueva na naglalayong i-waive ang anumang bayad sa pagsusulit sa Professional Regulations Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC).

Layon nito ay upang hikayatin ang mga walang kayang magbayad ng mga gastos para sa mga professional licensure exams.

Ang panukala ni Villanueva, ang Senate Bill1323, o ang “Free Professional Examinations Act,” ay naglalayong bawasan ang pinansiyal na pasanin sa mga nagtapos na kailangang sumailalim sa mga professional licensure exams.

Binanggit ng Majority Leader ang tagumpay ni Dexter Valenton bilang unang Aeta na nakapasa sa Criminology Board Exam.

Sa ilalim ng iminungkahing panukala, ang isang kwalipikadong indigent ay tumutukoy sa “isang tao na walang nakikitang kita o suporta, o na ang kita ay hindi sapat para sa ikabubuhay o mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya, na maaaring matukoy ng Department of Social Welfare and Development.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga aplikante sa unang pagkakataon ay maaaring magkaroon ng 100 porsyentong exemption ng bayad sa pagsusulit at 50 porsyento ng bayad sa pagsusulit kung kailangang muling kunin ng examinee ang pagsusulit.