-- Advertisements --

Inilatag ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga usapin na nais niyang madinig sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo 22.

Ayon sa Senador, ilan sa mga paksa na nais niyang matalakay ng pangulo sa kaniyang ulat sa bayan ay ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa inflation at para mapababa ang mataas na presyo ng goods partikular na ng bigas para matiyak na magbebenispisyo sa bawat manggagawang Pilipino ang paglago ng ekonomiya.

Nais din ng Senador na marinig ang hinggil sa pagtaas ng arawang sahod ng minimum wage workers na higit na nagdurusa dahil sa pagsipa ng inflation para matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Aniya, hindi sapat ang kamakailang umento sa sahod para matulungan ang mga Pilipino na makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Binanggit din ni Sen. Zubiri na dapat mayroong resolusyon sa kung ano ang gagawin sa POGOs sa gitna ng mga isyung bumabalot dito gaya ng umano’y ilegal na aktibidad na nadiskubre ng mga awtoridad sa mga sinalakay na mga POGO hub.