Naniniwala si Senador Juan Miguel Migz Zubiri na pinag-aaralan ng bansang China ang mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Ito ay matapos ang narekober na isang submersible drone sa katubigan ng lalawigan ng Masbate na nilalayon umanong pag-aralan ang underwater terrain ng bansa.
Ayon sa Senador, ang ganitong hakbang ay maituturing na isang national security concern na kailangang seryosohin ng pamahalaan.
Sa panahon aniya ng kanyang panunungkulan bilang Senate President ay nagkaroon sila ng buwanang pagpupulong kung saan ay kalahok dito ang intelligence community.
Tinatalakay sa kanilang pagpupulong ang ginagawang pagmamap out ng China sa ilalim ng karagatang sakop ng Pilipinas.
Aniya, ang mga ilegal na hakbang na ito ng China ay hindi lang ginagawa sa Pilipinas kundi maging sa karagatan ng ibang mga bansa.
Ito aniya ay nakakabahala dahil maaaring gamitin ng China ang mga impormasyon makukuha nito sa pamamagitan ng pagdedeploy ng submarine sa sandaling magkaroon ng giyera.
Dahil dito ay hinikayat ng Senador ang PNP Maritime Unit , PCG , Philippine Navy at iba pang mga concerned agencies na palagiang magsagawa ng patrol operations sa mga karagatang sakop ng bansa.