Siniguro ng mga senador na aagapay sila sa paghahanda ng Pilipinas para sa pag-host ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Senate committee on sports chairman Manny Pacquiao, may mga hakbang na raw silang ginagawa para matapos sa takdang oras ang paggawa sa mga sports venues and facilities.
Binigyang-diin ng “Fighting Senator” na dapat umanong magsumikap ang lahat para tiyakin na magiging matagumpay ang hosting ng bansa ng nasabing regional sports meet.
Una nang sinabi ni Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman Alan Peter Cayetano, sisiguruhin nilang isasagawa ng bansa ang “best and biggest” SEA Games kahit may problema sa budget.
Aniya mula sa hinihingi ng mga organizers na P9.5 billion para sa pag-host ng bansa sa SEA Games ay P7.5 billion lamang ang inaprubahan dito ng Kongreso at tinanggalan pa ng 33 percent ng Senado.
Sinabi naman ni Cayetano na matatapos na sa buwan ng Setyembre ang New Clark City Sports Complex kung saan gaganapin ang torneo na magsisimula mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.